Nagluluksa ngayon ang buong basketball community sa bansa sa pagpanaw na dating national head coach at nagtatag ng pioneer training center ng bansa na si Nic Jorge sa edad na 78-anyos.
Ilan sa mga nagpaabot na ng pakikiramay sa mga naulila ni Jorge ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP), at maging ang PBA.
Sa pahayag ng PBA, mistulang nawalan umano sila ng kapamilya bunsod ng pagyao ng dating coach.
Si Jorge ay umupong secretary general ng Basketball Association of the Philippines (BAP), na naging daan para sa pagkakatatag ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP).
Malaki rin ang naiambag ni Jorge sa development ng Philippine basketball, partikuar sa grassroots level, matapos nitong itatag ang Basketball Efficiency and Scientific Training Center (Best Center) noong 1978.
Kabilang sa mga basketball stars na nanggaling sa Best Center sina Benjie Paras, Jerry Codinera, Kiefer Ravena, at Chris Tiu.
Si Jorge rin ay naging coach ng Philippine team na sumabak sa 1978 FIBA World Championship na ginanap sa Maynila.