-- Advertisements --

Pinayagan na ang pagpasok sa 6-kilometer extended danger zone (EDZ) mula sa Bulkang Kanlaon sa Negros island sa limitadong oras epektibo nitong Huwebes, Hunyo 26.

Ito ay matapos tanggalin na ng Office of the Civil Defense (OCD) ang ban mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon.

Paliwanag ni Donato Sermeno III, OCD-Negros Island Region director at Task Force Kanlaon vice chairperson na inalis na ang naturang ban para payagan ang mga residenteng na-displace dahil sa mga aktibidad ng bulkan at nanuluyan mula noon sa mga evacuation center, na makapasok sa extended danger zone sa loob ng 10 oras kada araw para makabalik sila sa kanilang kabuhayan gaya ng pagsasaka at iba pang mahahalagang aktibidad sa kanilang barangay na naantala ng maraming buwan.

Ito ay kasunod na rin ng mas mababang antas ng asupre na naitatala mula sa bulkan sa nakalipas na araw subalit hindi pa rin inaalis ang panganib ng mga aktibidad sa bulkan.

Nananatiling nasa Alert Level 3 ang bulkang Kanlaon, na ibig sabihin nasa state of magmatic unrest ito na may mataas na tiyansa ng mga pagsabog na maaaring magdulot ng mapanganib na volcanic hazards.