-- Advertisements --

Naitala ang panibagong ash emission sa Bulkang Kanlaon alas-6:02 ng gabi nitong Setyembre 9, 2026, ayon sa visual observation mula sa Canlaon City Observation Station (KVO-CC).

Batay sa sped-up camera footage, nagbuga ang bulkan ng kulay-abong plume na umabot sa tinatayang 500 metro mula sa summit crater bago ito tinangay ng hangin patungong hilagang-silangan.

Ang naturang aktibidad ay namonitor ng observation station habang patuloy na binabantayan ang kondisyon ng Bulkang Kanlaon.

Sa kabila ng naitalang ash emission, nananatili sa Alert Level 2 ang status ng Bulkang Kanlaon, na nangangahulugang may patuloy na abnormal na aktibidad sa bulkan at kinakailangan ang mahigpit na pagbabantay.

Pinapayuhan ang publiko, lalo na ang mga nakatira malapit sa bulkan, na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso at panuntunang ipinalalabas ng mga kinauukulang awtoridad.