-- Advertisements --

Posibleng itaas na sa Alert Level 3 ang status ng Bulkang Kanlaon kung magiging mas madalas ang mga pagsabog nito sa mga susunod na araw, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Nananatili ngayon sa Alert Level 2 ang Bulkang Kanlaon matapos ang katamtamang malakas na pagsabog noong Miyerkules ng umaga. Tumagal ito ng tatlong minuto at nagbuga ng makapal na kulay-abong usok na umabot sa dalawa hanggang tatlong kilometro.

Ayon sa PHIVOLCS, patuloy nilang minomonitor ang aktibidad ng bulkan dahil naitala rin ang mga pagyanig, paminsan-minsang pagbuga ng abo, at patuloy na paglalabas ng volcanic gas.

Nagbabala ang ahensya na kung magiging mas madalas ang mga pagsabog, maaaring tumaas ang posibilidad ng pagputok ng bulkan dahil sa pag-akyat ng magma.

Pinagiingat ang mga residenteng nakatira sa loob ng apat na kilometrong permanent danger zone na lumikas at mag-ingat sa posibleng pyroclastic density currents, at nakalalasong gas na inilalabas ng bulkang Kanlaon.