-- Advertisements --

ASHFALL MULA SA KANLAON, UMABOT SA CEBU; KLASE SA HINDI BABABA SA 19 NA LGU, SINUSPINDE
Unread post by STARFMCEBUNEWS » Thu Jul 09, 2026 7:11 pm

Mahigpit na mino-monitor ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ang kalidad ng hangin matapos umabot sa ilang bahagi ng Cebu ang ashfall mula sa pagputok ng Bulkang Kanlaon.

Inihayag ni PDRRMO Chief Retired Colonel Dennis Francis Pastor, naapektuhan ang Toledo City, Aloguinsan, Pinamungahan, Cebu City, at iba pang lugar dahil sa hanging nagdala ng abo.

Ayon kay Pastor, nagpadala na ang pamahalaang panlalawigan ng assessment teams, food supplies, at 500 N95 face masks, habang nakahanda pang ipamahagi ang 6,000 karagdagang face mask sa mga pinakaapektadong lugar.

Inatasan rin umano sila ni Governor Pamela Baricuatro na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya upang matiyak ang maagap na pagtugon.

Samantala bilang pag-iingat, kabilang sa mga lugar na nagsuspendi ng klase nitong Huwebes ay ang Cebu City, Toledo City, Balamban, Talisay City, Minglanilla, Pinamungahan, Consolacion, Aloguinsan, Mandaue City, Cordova, Liloan, Asturias, Naga City, Sogod, Compostela, Carcar City, San Fernando, Santa Fe, Argao at Dumanjug.

Pinapayuhan ang mga residente na magsuot ng face mask, manatili sa loob ng bahay hangga’t maaari, at iwasan ang hindi kinakailangang pagbiyahe.