-- Advertisements --

Ibinahagi nitong Linggo ang close-up photos ng superheated volcanic gas mula sa bunganga ng Kanlaon Volcano sa Negros Island ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Kuha ang mga nasabing larawan gamit ang DSLR camera mula sa Kanlaon Volcano Observatory sa Canlaon City noong gabi ng Mayo 9 at Mayo 10.

Paliwanag ng PHIVOLCS na matagal nang nakapagtatala ng superheated volcanic gas plumes ang bulkan simula pa noong 2024, ngunit ngayon lamang ito naging malinaw na nakikita ng mata bilang tinatawag na crater glow o “banaag.”

Kasabay nito, naitala rin ng ahensya ang 18 volcanic earthquakes sa bulkan noong Biyernes at pagbuga ng mahigit 2,000 tonelada ng sulfur dioxide.

Sa mga nakalipas na araw, patuloy rin ang pagbuga ng abo ng Bulkang Kanlaon.

Nananatili namang nakataas ang Alert Level 2 o increased unrest sa bulkan. Mahigpit pa ring ipinagbabawal ng PHIVOLCS ang pagpasok sa loob ng apat na kilometrong Permanent Danger Zone.