GENERAL SANTOS CITY – Kahit abala sa araw-araw na trabaho, tinitiyak ni Sen. Manny Pacquiao na may isang oras ito bawat araw na inilalaan sa pagboboksing.

Ito ang sinabi ni Golden Boy Herrera, isa sa mga kaibigan ng senador na kasamang na-lockdown sa gitna ng modified enhanced community quarantine sa National Capital Region.

Umaga at hapon ay trabaho sa Senado ang aatupagin ni Pacman, habang pagkatapos nito ay isang oras ang target kasama ang anak na si Jemuel para sa araw-araw na warm up.

Kabilang dito ang heavy bag, jumping rope, thread mill at mga light exercises.

Hinggil naman sa paglaban sa coronavirus pandemic, kinakausap aniya ni Pacquiao ang mga kaibigan sa abroad para makatulong sa kapwa kaya patuloy ang pagdating ng mga ayuda, test kit, personal protective quipment at medical supplies.

Wala namang komento ang senador matapos kumalat ang video kasama ang anak na si Jemuel habang tinuturuan ng mga technique sa pagboksing ang anak.

Nabatid na suportado ni Manny at asawang si Jinkee ang interes ng anak sa boxing.