-- Advertisements --

Naniniwala si Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima na walang witch hunt sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte dahil mayroon itong basehan.

Ito ay matapos na sabihin ni Senator Migz Zubiri na ang pag-impeach ng Kamara de Representantes kay VP Sara ay isang witch-hunt dahil nais ng ilang tao na tanggalin siya sa kaniyang posisyon upang ang iba ay umupo sa vice presidential post, o upang maalis ang kalaban para sa 2028 presidential race.

Subalit ayon kay De Lima, may mga basehan ang reklamo dahilan kayat in-impeach ng Kamara ang Bise Presidente. Kung wala aniya hindi dapat inihain ng Kamara ang reklamo, hindi din dapat ito pinirmahan ng higit sa isang-katlo ng lahat ng miyembro ng Kamara, at hindi nila dapat ipinadala sa Senado ang articles of impeachment.

Hindi naman napigilan ni De Lima na ikumpara ito sa kaniyang kaso kung saan sinampahan siya ng mga diumano’y gawa-gawang kaso dahil lamang sa kanyang pagtutol sa kampaniya kontra iligal na droga ng administrasyon ng ama ng Bise Presidente na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Kayat siya aniya ang naging subject ng witch hunt ng nakalipas na administrasyon at hindi si VP Sara.

Paliwanag pa ng mambabatas na ang witch-hunt ay walang basehan na layuning mangharass at mang-persecute, na mga katangian aniya na malayo sa impeachment trial laban kay VP Sara.

Kaugnay nito umaasa si De Lima na iwasan ng mga opisyal na magbigay ng ganitong uri ng mga komento na nagpapakita ng kanilang personal biases sa isyu ng impeachment.