Naniniwala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na matutugunan na ang malaking demand sa suplay ng manok at wala ng mangyayaring kakapusan sa suplay sa bansa sa mga susunod na panahon.
Ito ay sandaling makumpleto ang 12 pasilidad sa buong bansa para sa pag aalaga ng manok o ang tinatawag na controlled climate farm houses para sa mga manok.
Ngayong araw ay binisita ni Pangulong Marcos ang modernong pasilidad ng magnolia poultry farm sa Brgy Hagonoy, Davao del sur.
Sinabi ng pangulo na sa bawat isang pasilidad ay kayang makapag produce ng 80 milyong mga manok kada taon.
Dagdag pa ng pangulo na sa pamamagitan nito ay matutugunan ang tumataas na demand sa manok sa buong rehiyon ng mindanao at kalaunan ay sa buong bansa, na nakalinya aniya sa pangunahing layunin ng pamahalaan para sa seguridad sa pagkain.
Inaasahan din aniya na makalilikha ito ng higit 1 libong mga trabaho para sa mga Pilipino, kasama rito ang pangkalahatang oportunidad para sa mga micro small and medium enterprises at kanilang mga pamilya.
Ipinunto ng Pangulo na ang ganitong mga pasilidad ay magsisilbing panghikayat sa iba pang mamumuhunan na magandang magtayo ng negosyo sa Pilipinas.