-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magpapatuloy ang Ayuda Para sa Kapos sa Kita (AKAP) kahit walang alokasyon sa panukalang 2026 national budget.

Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, may natitira pang ₱11 bilyon na maaaring magamit hanggang 2026.

Bagamat naging kontrobersyal ang AKAP matapos tawaging ‘bagong pork barrel’ ng ilang mambabatas, iginiit ng DSWD na tanging sila lamang ang may kapangyarihang mamahagi ng ayuda sa mga mahihirap na pamilyang nangangailangan.

Giit naman ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, bahagi pa rin ang AKAP ng kanilang mga programa. Patuloy ding ipapatupad ang iba pang tulong tulad ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) at emergency cash transfers para sa mga biktima ng kalamidad.

Sinabi ni Sec. Pangandaman na nakadepende na sa Kongreso kung muling bibigyan ng alokasyon ang AKAP para sa susunod na taon.

May ₱220 bilyon na kabuuang pondo ang DSWD para sa 2026.