-- Advertisements --

Pinag-aaralan ngayon ng kasalukuyang administrasyon ang pagbaba ng P20/kilo na bigas sa sektor ng mangingisda sa bansa.

Ang hakbang na ito ng gobyerno na pagpapalawak ng sakop ng programa ay layong maabot ang mga nasa laylayang sektor ng lipunan.

Una nang ibinilang sa programa ang hanay ng sektor ng mga magsasaka, nais ng gobyerno na maabot na rin ito ng mga mangingisda.

Ayon kay PCO Spox Usec. Claire Castro, ang Department of Agriculture ay patuloy na kumikilos para mapalawak pa ang programang benteng bigas sa bansa.

Batay sa datos , target ng gobyerno na mapakinabangan ito ng nasa 2.8 million na rehistradong mangingisda sa Pilipinas na nasa ilalim ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture.

Aabot naman sa limang milyong rehistradong magsasaka ang target na maabot ng programa bago matapos ang termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Una rito, aabot sa P10 billion ang inilaang pondo para sa alokasyon sa Rice for All Program ng DA na nakapaloob sa inabrubahang 2026 National Expenditure Program.