Ipinag-utos ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mga e-commerce platforms na agad alisin ang mga ilegal at hindi rehistradong vape products sa kanilang mga website, at nagbabalang maaaring patawan ng parusa.
Ayon sa DTI, maraming vape products online ang walang tamang permit, health warning, at BIR stamp, na lumalabag sa mga batas tulad ng Consumer Act, Republic Act 11900 o Vape Law, mga regulasyon ng DOH, at patakaran ng BIR.
Inihayag ni Eryl Royce Nagtalon, Officer-in-Charge ng DTI E-Commerce Bureau na ito ay malinaw na paglabag sa batas kaya kinakailangang agad itong ipatigil.
Mula 2022, nakapagtala na ang DTI ng mahigit 92,000 vape listings online. Bilang tugon, binigyan ng 7 araw na compliance period ang mga e-commerce platforms para tanggalin ang mga ilegal na produkto.
Patuloy ang monitoring at spot checking ng DTI. Kung hindi susunod ang mga platform, maaari silang patawan ng administrative fines, ma-blacklist, at maisyuhan ng takedown order alinsunod sa Internet Transactions Act at iba pang batas.