Target ng Bureau of Customs na isagawa ang “competitive” subalit transparent na pagsubasta sa mga mamamahaling sasakyan ng mga Discaya sa Nobiyembre 15.
Ayon kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, ang minimum na maaaring kitain ng pamahalaan sa proceeds ng bidding ay posibleng nasa minimum na P200 million hanggang P220 million.
Matatandaan, mula sa 30 luxury cars ng mga Discaya, nasa 13 ang inisyuhan ng warrant of seizures at detention dahil sa kawalan ng mga ito ng kaukulang mga dokumento gaya ng import entry o certificate of payment. Habang nasa 17 naman ang nadiskubreng may import entry at certificate of payment subalit ipinag-utos na isailalim sa post-clearance audit.
Samantala, bilang parte naman ng nagpapatuloy na reporma, isinumite na ng Customs ang report sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) na nagrerekomenda sa paghahain ng mga reklamo laban sa mahigit sampu nilang kawani.
Nauna na ngang nagkasa ng imbestigasyon ang BOC hinggil sa posibleng pagkakasangkot ng kanilang sariling mga tauhan sa kaso ng luxury cars ng mga Discaya matapos makalusot ang mga ito sa Customs nang walang kaukulang mga dokumento.
Ang 10 personnel na na-tag bilang persons of interest ay nakatalaga sa mga pantalan kung saan ipinasok ang mga luxury car kabilang na ang nakadestino sa Batangas, Cebu, Manila at Manila International Container Port.