Ibinunyag sa isang detalyadong ulat ang koleksiyon ng halos 40 luxury at imported vehicles ng mag-asawang Rowena “Sarah” Discaya at Pacifico “Curlee” Discaya II—na tinatayang nagkakahalaga ng P299 million hanggang P405 million.
Ilan sa mga tampok na sasakyan sa kanilang garahe ay mga Rolls-Royce Cullinan, Bentley Bentayga, Cadillac Escalade, Lincoln Navigator, Mercedes-AMG G63, Lexus LM, Range Rover Autobiography, at Maserati Levante.
Karamihan sa mga ito ay hindi na ginagamit, ayon kay Sarah.
Ani Sarah, ang kanilang sasakyan ay bahagi na rin ng pagpapakilala ng kanilang negosyo: “Parang ito [garage], part of our resume. Kumbaga pag nag-a-apply ng trabaho, kaya mo. May abilidad ka.”
Nabatid na ang mga sasakyan ay naging tampok muli sa publiko matapos ang isyu ng korapsiyon sa Department of Public Works and Highways, lalo na sa mga anomalya sa flood control projects kung saan umano’y konektado ang Discaya family.
Samantala, maalalang sa Senate Blue Ribbon Committee hearing noong Lunes, ipinunto ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang kahina-hinalang yaman ng pamilya Discaya.
Kung saan kinumpirma ni Discaya na may 28 na sasakyan sila malayo sa unang naging interbyu nito, pero nilinaw niyang kasama rito ang mga service vehicles ng kanilang kumpanya.
Dagdag pa niya, installment daw ang paraan ng pagbayad sa karamihan ng sasakyan, hindi cash.
Ngunit, kinuwestiyon ni Sen. Risa Hontiveros ang dating pahayag ni Discaya na umabot sa 40 ang kanilang mga sasakyan.
Samantala, ibinunyag naman ni Sen. Vicente Sotto III na ang Frebel Enterprises — isa sa mga pinangalanang dealer ni Discaya — ay nahuli ng Bureau of Customs (BOC) dahil sa pagpuslit ng mga high-end cars tulad ng Bugatti Chiron.
Ayon sa mga senador, kailangang busisiin kung nagagamit sa korapsiyon at luho ng ilang contractors ang bilyon-bilyong pisong pondo ng bayan.