Kinumpirma ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno na nasa 30 luxury cars ng mga Discaya ang kasalukuyang nasa kustodiya na ng Customs. Matatandaang noong nakaraang linggo ay sinimulang kunin sa bisa ng search warrant.
Sa pulong balitaan ngayong araw, ibinunyag ni Nepomuceno na 8 sasakyan dito ay walang import-entry documents at certificate of payments, ibig sabihin, walang mga dokumento na pinasok ito sa bansa kaya naman maaaring makonsidera umanong ‘smuggled’.
Habang ang 7 rito, bagaman may import-entry documents ito, wala namang certificate of payments kaya naman bibigyan ng 15 araw ang mga Discaya pati na rin ang mga consignee nito na patunayan na tama at may sapat na dokumento ang mga sasakyan.
Ani Nepomuceno, kung hindi magiging sapat ang kanilang pagpapatunay, tutuloy na sila sa pag-issue ng Warrant of Seizure and Detention para sa mga sasakyan.
Kaugnay pa nito, lumabas sa pagsusuri nila na kumpleto naman ang mga dokumento ng nasa 14 na mga luxury cars ngunit kailangan pa itong idaan sa Post-Assessment Clearance upang matiyak na maayos talaga na naipasok sa bansa.
Tinukoy rin ni Nepomuceno na napasok ang mga naturang luxury cars mula sa mga pantalan sa Batangas, Cebu, Manila at Manila International Container Port.