Bukas ang Bureau of Customs (BOC) sa isasagawang lifestyle check, sa kabila ng posibleng mga hamon sa naturang proseso.
Hindi isinasantabi ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno ang malaking hamon na haharapin kapwa ng mga personnel ng naturang opisina, at ang iba pang mga opisyal na posibleng may kinalaman o sangkot sa smuggling activities.
Ayon kay Nepomuceno, sa kasalukuyan ay may malaking problema na sa loob ng BOC na mistulang lumala sa mga nakalipas na taon dahil sa hindi ito natutugunan.
Kung lubos na bubuksan at ilalantad ang kabuuan nito ay tiyak aniyang magiging pahirapan ngunit nakahanda ang kawanihan na sundin ang proseso at tanggapin ang kinalabasan nito.
Inihalimbawa ng BOC chief ang malalaking personalidad na nasa likod ng smuggling activities sa bansa at ang posibleng pagkakasangkot ng mga personnel ng naturang opisina.
Aniya, kailangan ng mas maraming resources para magampanan ng mga personnel ang kanilang trabaho, dahil ang haharapin dito ay mga mayayaman at makakapangyarihang indibidwal na posibleng nakakapag-impluwensya na sa BOC sa loob ng mahabang panahon.
Inirekomenda rin ng commissioner ang mahigpit na coordination sa iba pang ahensiya ng pamahalaan para sa paghahanap ng mas maraming ebidensiya laban sa mga opisyal na posibleng may kinalaman sa illegal activities.
Kahapon (Aug. 27) nang kinumpirma ng Malakaniyang ang kautusan ni Pang. Marcos na pagsasagawa ng lifestyle check.