-- Advertisements --

Nawasak ang 15-palapag na Mushtaha Tower sa Gaza City matapos itong bombahin ng puwersang Israeli noong Setyembre 5, na nagresulta sa pagkasira ng tirahan ng daan-daang pamilya, kabilang ang isang Palestinian bank employee na sampung taon na nagbayad ng mortgage para sa kanyang unit.

Ayon sa Israeli military, ang demolition ay bahagi ng kampanyang sumisira sa mga gusaling umano’y ginagawang taguan ng Hamas, kung saan higit 50 “terrorist towers” na ang winasak.

Ngunit ayon sa mga residente at United Nations (UN) Human Rights Office, wala umanong matibay na ebidensyang nagpapakitang may presensya ng grupong Hamas sa mga nasabing gusali.

Makikita sa video ng Reuters ang pagbagsak ng gusali sa loob lamang ng anim na segundo, na nagdulot ng panic at takot sa mga taong nakapaligid dito.

Ayon sa U.N., tila sinasadya na umano ng Israel ang pagpapalayas ng mga Palestino sa Gaza City na kinokonsidera ng grupo bilang ”ethnic cleansing.” Mariing itinanggi naman ng Israel ang alegasyong ito at iginiit na layunin lamang nilang buwagin ang Hamas at ibalik ang mga bihag.

Magugunitang mula Oktubre 2023, higit 65,000 Palestinians na ang naiulat na nasawi, at patuloy ang malawakang paglikas at gutom na nararanasan sa Gaza dahil sa sigalot.