-- Advertisements --

Pangungunahan ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa kanilang lungsod ang pagpapatupad ng blockchain technology upang palakasin ang transparency at accountability. 

Ang blockchain ay isang uri ng teknolohiya sa pag-iimbak at pagbabahagi ng impormasyon na ligtas, transparent, at hindi madaling baguhin.

Sa pamamagitan din nito, mas mapalalakas ang ugnayan at pagtutulungan ng Ehekutibo, Lehislatura, civil society organizations at iba pang sektor na may mahalagang papel sa pagpapalalim ng demokrasya.

Ayon kay Magalong, nagkaroon na sila ng kasunduan ng isang tech company para maipatupad ito. 

Inihahanda na rin aniya nila ang mga kinakailangan dokumento at records na ilalagay sa blockchain. 

Sinabi naman ni Department of Information and Communications Technology Secretary Henry Aguda na maaari nang simulan ang pagpapatupad ng blockchain technology kahit wala pang naipapasang batas. 

Ngunit aniya kailangan ng batas para maging permanente ito at upang, kung sakaling magpapalit man ng adminsitrasyon ay tuloy-tuloy nang nakatala ang mga datos sa blockchain. 

Binigyang-diin ni Senador Bam Aquino na oras na upang gawing mas malinaw, madaling ma-access, at mas madaling maunawaan ng taumbayan ang proseso ng pambansang budget.

Ipinaliwanag ng senador na sa pamamagitan ng blockchain, makikita ng publiko ang lahat ng mahahalagang detalye ng budget tulad ng bidding, awarding, disbursement ng pondo, pati na rin ang mga kontrata at bill of materials. 

Maaari ding maisama ang listahan ng mga bidders upang masiguro ang ganap na pananagutan.