Lilipat sa paperless system at gagamit ng blockchain technology ang House of Representatives simula taong 2026.
Ito ang inanunsyo ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III, na nagsabing layon ng hakbang na palakasin ang transparency, seguridad, at integridad ng mga proseso sa Kongreso, kabilang na ang paghahanda at pagproseso ng pambansang badyet. Kapag naisakatuparan, ang Pilipinas ang magiging unang legislative body sa Asya na gagamit ng naturang teknolohiya.
Isasagawa ang inisyatiba sa tulong ng Department of Information and Communications Technology.
Ayon kay Speaker Dy, ang tiwala ng mamamayan sa pamahalaan ay hindi nabubuo sa salita lamang kundi sa pamamagitan ng konkretong aksyon.
Aniya, bahagi ito ng mas malawak na programa ng reforms at modernization ng Kongreso.
Muling pinagtibay din ng Speaker ang kanyang paninindigan sa pananagutan at pagpapanumbalik ng tiwala ng publiko habang papalapit ang bagong taon.
Sa isang video message, pinasalamatan niya ang mga mambabatas sa kanilang sipag at kakayahang makinig sa kabila ng pagkakaiba ng pananaw, gayundin ang mga kawani ng Kamara na kanyang tinawag na tahimik na haligi ng institusyon. Kinilala rin ni Dy ang pagkadismaya ng publiko at nanawagan ng pagkakaisa, paggalang, at malasakit sa pagharap sa 2026.
Ipinahayag din ni Dy ang kanyang hangarin para sa isang makabuluhan at may prinsipyong bagong taon para sa bansa.
















