-- Advertisements --

Agad nang ipasasara ngayong araw ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng iba’t-ibang klase ng operasyon ng e-sabong sa Pilipinas.

Ito ay matapos na ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatigil ng naturang sugal na talagang talamak ngayon sa bansa.

Ipinahayag ni DILG Usec. Jonathan Malaya na ang kautusan na ito ng pangulo ay immediately executory at ngayon ay inatasan na rin aniya ni DILG Sec. Eduardo Año ang Philippine National Police (PNP) at ang lahat ng local goverment unit (LGU) upang agad na ipatupad ito sa iba’t-ibang panig ng bansa.

Kabilang aniya sa mga operasyon na kanilang agad na ipatitigil ay ang mga studio live show kung saan ginagawa ang physical sabong, at mga betting station ng e-sabong.

Para kay Malaya, panahon na para ipatigil ang nasabing sugal bagama’t malaki ang natatanggap na kita ng pamahalaan dito dahil marami na aniyang nalululong dito na magdudulot lamang ng kapahamakan.

Pag-amin ng undersecretary, isa ang malaking kinikita ng pamahalaan mula sa e-sabong sa naging dahilan kung bakit natagalan ang desisyon ni Pangulong Duterte ukol dito ngunit nang makita raw nito ang resulta ng survey na kanilang kinalap na nagpapakita na hindi pa majority ng mga Pilipino ang suportado ang nasabing sugal ay agad itong nagdesisyon na ituloy na ang pagpapatigil dito.

Samantala, ibinalita rin ni Malaya na nasampahan na ng kaso ang mga suspek kabilang ang ilang mga pulis sa likod ng pagkawala ng mahigit 30 na sabungero.