-- Advertisements --

Inanunsyo ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang plano nitong magtanim ng tatlong milyong puno sa Upper Marikina River Basin Protected Landscape (UMRBPL) upang maprotektahan ang mga komunidad laban sa pagbaha at maibalik ang sigla ng kalikasan sa bansa.

Ayon kay DENR-Forest Management Bureau Assistant Director Atty. Ray Thomas Kabigting, layunin ng programa na itaas ang forest cover mula 24.99% tungo sa 43% sa 2028, bilang bahagi ng rehabilitasyon ng dating mga kalbong lupa.

Sakop ng UMRBPL ang higit 26,000 ektarya sa Rizal —kabilang ang Antipolo City at mga bayan ng Baras, Rodriguez, San Mateo, at Tanay na idineklarang protected area matapos ang pagbaha dulot ng Bagyong Ondoy noong 2009.

Nabatid na ang lugar ay tahanan ng mga nanganganib na punongkahoy gaya ng narra at molave, pati na rin ng mga hayop gaya ng Philippine deer at native na ibon at reptile.

Binigyang-diin ng DENR na bukod sa pagbabawas ng panganib sa kalamidad, mahalaga rin ang malusog na kagubatan sa pagharap sa pagbabago ng klima at sa pagsuporta sa agrikultura at biodiversity.