-- Advertisements --

Limang Pilipinong seafarers ang nailigtas matapos lumubog ang Liberia-flagged at Greek-operated cargo ship na MV Eternity C noong Miyerkules, Hulyo 9, matapos itong atakihin ng Houthi rebels sa Red Sea.

Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), ang insidente ay naganap ilang araw matapos ang pag-atake ng Houthi rebels noong Hulyo 7 habang ang barko ay nasa 50 nautical miles ng port ng Hodeidah, Yemen.

Sa kabuuan mayroong 22 crew members ang sakay ng barko na kinabibilangan ng 21 Pilipino at isang Russian at lima dito ay nailigtas na.

Ipinabatid ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na agad nilang inaksyunan ang ulat ng paglubog at ang pagsagip sa mga Pilipinong tripulante. Bagamat ligtas ang limang seafarers, hindi pa ipinahahayag kung saan sila dinala.

Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon sa ulat na may tatlo hanggang apat pa umanong mga tripulante ang namatay.

Samantala binanggit din ni Cacdac na ilang araw bago ang insidente, sinalakay na rin ng Houthi rebels ang MV Magic Seas, isa pang Liberia-flagged cargo ship na may 19 crew, kabilang ang 17 Pilipino, at lahat ay nailigtas din at nakatakdang i-repatriate sa Hulyo 11.