-- Advertisements --

Target ngayon ng Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na palakasin pa ang testing capabilities ng iba pang mga lugar sa gitna ng patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19.

Sinabi ni COVID-19 Response Chief Implementor Carlito Galvez na limang lugar sa bansa ang itinuturing na “special interest” ng IATF-EID bukod pa sa NCR, kung saan pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ang mga lugar na ito ayon kay Galvez ay Regions III, IV, Davao Region at Zamboanga City.

Ayon kay Galvez, sinisikap ngayon ng IATF-EID, katuwang ang Department of Health (DOH), na madagdagan ang bilang ng mga COVID-19 testing facilities sa naturang mga lugar.

Una rito, ilang mga opisyal na sa Mindanao ang nanawagan na dagdagan ang testing facilities sa kanilang rehiyon dahil sa ngayon tanging ang Southern Philippine Medical Center sa Davao City lamang ang sub-national laboratory para sa COVID-19.

Base sa latest data ng DOH, umakyat na sa 3,764 ang bilang ng mga COVID-19 patients magmula noong unang maitala ang first case sa sakit sa bansa noong Enero 30.