-- Advertisements --

Idinagdag ng Cambridge Dictionary ang mahigit 6,000 bagong salita ngayong taon, kabilang ang mga slang na sumikat sa social media tulad ng “skibidi” at “tradwife”.

Ang skibidi ay isang walang kabuluhang salitang na ginamit sa viral YouTube animated series na “Skibidi Toilet”.

Sa diksyunaryo, ito’y inilarawan bilang isang salita na maaaring mangahulugang “cool,” “bad,” o kaya’y gamitin bilang birong walang tiyak na kahulugan.

Samantala, ang tradwife naman ay pinaikling “traditional wife” — isang babaeng maybahay na tumutupad sa mga tradisyunal na tungkulin tulad ng pagluluto, paglilinis, at pagpo-post sa social media.

Ayon kay Colin McIntosh, lexical programme manager ng Cambridge Dictionary, patuloy na binabago ng internet culture ang wikang Ingles.

Ilan pa sa mga bagong salitang idinagdag ay:

Delulu – pinaikli ng delusional, tumutukoy sa paniniwala sa mga bagay na hindi totoo.

Mouse jiggler – isang device o software na ginagawang aktibo ang computer kahit hindi ginagamit, karaniwang ginagamit ng mga remote workers.

Broligarchy – pinagsamang bro at oligarchy, tumutukoy sa maliit na grupo ng mayayamang lalaking nasa industriya ng teknolohiya na may malaking impluwensiya, gaya nina Elon Musk at Jeff Bezos.