Naobserbahang tila nagsasagawa ng search and rescue (SAR) operations ang barko ng China Coast Guard at ilang maritime militia vessels sa may Scarborough Shoal sa West Philippine Sea ngayong Martes, Agosto 12.
Ito ay matapos sumalpok ang Chinese Navy warship sa China Coast Guard vessel 3104 na nawasak ang forecastle o harapang parte nito.
Ayon sa monitoring ni US maritime expert Ray Powell, may isang CCG vessel at walong militia ships ang nagsasagawa ng SAR ops, 15 hanggang 25 nautical miles sa silangan ng Scarborough Shoal.
Wala pang inilalabas sa ngayon ang panig ng China kung may nasugatan sa kanilang crew subalit nauna ng nag-alok ang mga Pilipinong crew na sakay ng BRP Suluan ng tulong sa Chinese crew na posibleng nasugatan dahil sa banggaan.
Bagamat walang tugon ang panig ng China sa alok na tulong ng Pilipinas.
Iniulat din ni Powell na pinatay ng CCG vessel ang Automatic Identification System (AIS) nito na nagtra-transmit kung saan nakaposisyon ang barko.
Samantala, ang panibagong agresyon ng China ay kaakibat ng kanilang patuloy na pagpapatupad ng inilarawan ni Powell na “exclusion zone” sa Scarborough Shoal na lumalabag sa 2016 ruling na nagdedeklara sa lugar bilang traditional fishing ground para sa Pilipinas, China at Vietnam.