Umangat ang puwesto ng Pilipinas sa pagtatapos ng 2025 FIBA Asia Cup na ginanap sa Saudi Arabia.
Batay sa ranking na inilabas ng FIBA, hawak na ng Pilipinas ang ika-pitong pwesto.
Mas mataas ito kumpara sa nakuha ng bansa na ika-siyam na puwesto noong 2022 FIBA Asia Cup na ginanap sa Jakarta, Indonesia.
Kung babalikan ang naging laban ng Gilas Pilipinas sa katatapos na turneyo, nagawa nitong abutin ang quarterfinals sa kabila ng dalawang magkasunod na pagkatalo sa elimination stage.
Tuluyan itong pinataob ng 2025 champion na Australia sa quarterfinals, 84-60, dahilan upang ibulsa ang 2-3 record sa Asian meet.
Noong 2022 Asia Cup, bigong umabot ang Gilas sa quarterfinals matapos itong payukuin ng Japan, 102-81.
Huling nahawakan ng national team ang FIBA Asia Cup trophy noong 1985.
Noong 2013 Cup, nakabalik ang Team Philippines sa finals ngunit hindi ito pinalad matapos talunin ng China, 67-78.
Samantala, muling sasabak ang national team sa FIBA World Cup Qualifiers na magsisimula sa Nobyembre 2025.