-- Advertisements --

Nilabag ng China ang kasunduan nito sa Pilipinas noong 2012 sa pamamagitan ng pagpapadala ng barkong pandigma sa may Scarborough Shoal nitong Lunes, Agosto 11.

Ito ang inihayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief General Romeo Brawner Jr. sa mga kawani ng media ngayong araw ng Martes, Agosto 12.

Ipinaliwanag ng AFP chief na mayroong kasunduan ang Pilipinas at China na tanggalin ang mga Navy ship mula sa lugar. Tumalima aniya dito ang Pilipinas subalit ngayon ay ibinalik aniya ng China ang barkong pandigma ng People’s Liberation Army – Navy (PLA-N).

Matatandaan na noong 2012, naisakatuparan ang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at China matapos ang ilang buwang standoff ng mga barko sa pagitan ng dalawang bansa sa naturang shoal na nagtapos sa pamamagitan ng pangako ng magkabilang panig na pag-atras ng kani-kanilang barko.

Aniya, pinapanatili ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang mataas na moral sa ground salig sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at hindi aniya sila gumagawa ng mga agresibong taktika. Subalit ngayong nasa lugar na ang Chinese Navy vessel, ibang usapin na aniya ito.

Nakikita naman ni Gen. Brawner ang insidente nitong Lunes bilang isang sinyales ng pagbabago ng China ng kanilang taktika at ang pagpapadala ng barkong pandigma ay simbolo naman ng agresyon.