Pinaigting pa ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kanilang presensiya sa Scarborough Shoal sa gitna ng suspetsa na pagsusulong ng China na magtayo ng national nature reserve sa pinagtatalunang karagatan.
Ipinahiwatig ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang posibleng reclamation activities ng China sa isang panayam habang lulan ng BRP Gabriela Silang.
Sa kabila nito, iginiit ng PCG official na hindi nila aabandunahin ang naturang shoal at pananatilihin ang tuluy-tuloy na presensiYa sa lugar para bantayan ito laban sa anumang reclamation ng China.
Inihayag din ng Coast Guard Chief na matagumpay na sinisiguro ng PCG na malaya pa ring makakapamingwit ng isda ang mga Pilipinong mangingisda sa pinagtatalunang karagatan.
Matatandaan, inanunsiyo ng China noong nakalipas na buwan lamang ang plano nitong magtatag ng Huangyan Island National Nature Reserve sa Scarborough Shoal, na nasa 125 nautical miles kanluran ng Zambales.
Subalit, nitong Biyernes, siniguro ni Armed Forces of the Philippines chief of staff Gen. Romeo Brawner Jr. na masusi nilang minamanmanan ang mga aksiyon ng China sa Scarborough Shoal upang maiwasang maulit ang nangyari sa Mischief o Panganiban Reef na nakubkob ng China at kalaunan ay nagtayo ng militarized artificial island.