Sa gitna ng patuloy na problema sa trapiko sa bansa, isa sa nakikitang pangmatagalang solusyon ay ang pagpapabuti at pagpapasaayos ng sistema ng transportasyon.
Ito ang inihayag ni Atty. Albert Sadili, tagapagsalita ng Lawyers for Commuters’ Safety and Protection o LCSP, sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu.
Binigyang-diin ni Sadili ang aktibong pagtugon ng Department of Transportation, sa pamumuno ni Secretary Vince Dizon, sa mga reklamo ng commuters— kung saan partikular na inihahalimbawa nito ang overcharging sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at mga driver na lumalabag sa safety protocols.
Bukod dito, binanggit din niya ang pagdagdag ng mga bus, pag-upgrade ng train systems sa Metro Manila, ang mas modernong mode of payment, at patuloy na paggawa ng mga kalsada sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Naniniwala pa ang lawyers/commuters group na ang patuloy na reporma at pagpapalakas ng sistema ng transportasyon sa ilalim ng administrasyong Marcos ay isang mahalagang hakbang tungo sa pangmatagalang solusyon sa problema ng trapiko sa bansa.
Pinuri din nito ang pamahalaan dahil sa nakalipas na tatlong taon ng administrasyon, kitang-kita naman umano ang mga positibong pagbabago sa sektor ng transportasyon lalo na sa mga programang nakatuon sa kapakanan ng mga commuters.