Pumanaw na sa edad 101 ang political icon at longtime public servant na si dating Senate President Juan Ponce Enrile .
Kinumpirma ito ng kanyang anak na si Katrina Ponce Enrile sa pamamagitan ng kanyang social media post.
Hiling ng pamilya na maging pribado ang kanilang pagluluksa habang nakatakda namang ianunsyo ang isasagawang public viewing at interment sa mga susunod na araw.
Ang batikang senador na si Enrile ay ipinanganak noong Feb. 14, 1924 sa Gonzaga, Cagayan.
Nagsilbi itong central figure sa larangan ng pulitika sa loob ng pitong dekada kung saan ay nakapag silbi ito sa iba’t-ibang sangay ng gobyerno.
Si Enrile ay isa ring abogado, senador, cabinet official , at naging senate president mula 2008 hanggang 2013.
Naging matunog ang pangalan ni Enrile noong 1960s nang umanib ito sa administrasyong Marcos Sr. kung saan kalaunan at naitalaga ito bilang Minister of National Defense.
Nagkaroon ito ng pagkakataon na maging senador noong taong 1987 at nakilala sa kanyang kahusayan sa paggawa ng batas at legal na debate.
Sa loob ng mahabang panahon, malaki ang ambag ni Enrile sa mga pulitikal na usapin at government reforms.
Dahil sa malawak na karanasan ni Enrile sa pulitika, ilan sa kanyang mga kapwa mambabatas ang nakasagutan na nito.
Hindi malilimutan ang naging sagutan at bangayan nila ni dating Senador Antonio Trillanes IV sa usapin nang pakikipag-usap umano ni Trillanes sa gobyerno ng China.
Hindi rin malilimutan ang tila away na nabuo sa pagitan nila ni late former senator Miriam Defensor Santiago kung saan humantong pa ito sa paghahamon ni Santiago na ilista ni Enrile ang kanyang mga kasalanan.
Pinaka kontrobersyal naman pagkakasangkot ng pangalan nito sa usapin ng PDAF scam kung saan ay napawalang sala ito sa lahat ng kasong plunder at graft noong nakalipas na buwan.
Sa panahon naman ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., naitalaga si Enrile bilang Chief Presidential Legal Counsel.
Naging tagapagtanggol din ng kandidato pa lang noon na si Marcos ang dating Senate President sa usapin ng hindi nito pagharap sa mga debate.
Para kay Enrile, walang kabuluhan ang mga debate kung malabo at walang katuturan din naman ang sinasabi ng mga humaharap sa diskusyon.
Kalayaan din umano ng sinumang kandidato na humarap o lumiban sa anumang isasagawang candidates forum o debate.
Matatandaang ilang ulit na ipinagtanggol ni Enrile si Pangulong Marcos ukol sa isyu ng estate tax na sinisingil noon sa mga Marcos.
Muli, ang Bombo Radyo PH ay nakikiramay sa pamilya Enrile sa pagpanaw ng itinuturing na pinakamatagal na nagsilbi sa gobyerno ng ating bansa na kilala din sa tawag na JPE o Manong Johnny.
















