Kasabay ng idineklarang tatlong araw na pagluluksa sa Oman bunsod ng pagkamatay ng kanilang sultan na si Qaboos bin Said Al Said, sa loob ng tatlong araw din ay dapat makapagtalaga na ng magiging successor nito.
Si Sultan Qaboos ay pumanaw sa edad na 79 na hindi kasal kaya walang tagapagmana, at hindi rin nagtalaga ng magiging kapalit noong nabubuhay pa.
Wala pa namang kumpirmasyon kung cancer ang naging matagal na karamdaman nito kung saan nagtungo pa ng Belgium para roon magpagamot.
Halos 50 taon nanilbihan ang namayapang sultan at kinikilala bilang “longest serving leader in the Arab world.”
Ayon sa sultanate’s Basic Statute, ang Royal Family Council na binubuo ng 50 lalaking miyembro ang silang pipili ng bagong sultan.
Kung hindi man magkasundo ang pamilya, ang mga miyembro ng defence council at chairmen ng Supreme Court, gayundin ang Consultative Council at State Council ang magbubukas sa sealed envelope kung saan nakasaad ang napili ni Qaboos na kanya raw pasikretong itinala.
Pinaniniwalaan na ang mga nangungunang contender para pagpasahan ng trono bilang sultan ay ang magkakapatid na pinsan ni Qaboos.
Ito ay sina Culture Minister Haitham bin Tariq Al Said, Deputy Prime Minister Asaad bin Tariq Al Said, at Shihab bin Tariq Al Said na dating Oman Navy commander na tumayong adviser ng namayapang sultan. (gulfnews photo/BBC)