-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Natukoy na ang mga suspect na nanloob sa isang Convenience Store at Rice Supply Establishment sa Panganiban Street, Centro West, Santiago City sa tulong ng mga kuha ng CCTV Camera.

Ang nilooban na mga bahay kalakal ay pagmamay- ari ng negosyanteng si Bonaleth Oligario, nasa wastong gulang, dalaga at residente ng Buenavista, Santiago City

Sa isinagawang malalimang pagsisiyasat sa pamumuno ni Police Major Roderick Guiyab, hepe ng Station 2 ay natunton ang mga suspect sa isang Apartment sa Baptista Village, Purok 7, Calao East, Santiago City.

Ang mga pinaghihinalaan ay sina Joshua Carpio, 22 anyos, binata, residente ng Batal, Santiago City; John Paul Alucag , 19 anyos; Ryan Alucag , 18 anyos at isang alyas Marcial, 16 anyos na pawang residente ng San Antonio Ugad, Echague, Isabela.

Lumalabas sa pagsisiyasat ng mga kasapi ng Presinto Dos ng Santiago City Police Office na binuksan ang gusali ng mga pinaghihinalaan sa pamamagitan ng pagsira sa main door .

Ninakaw ng mga pinaghihinalaan ang 30 sako ng bigas na may laman na 25 kilo sa kada sako; 25 galon ng mantika at humigit kumulang P30,000.

Kabilang din sa mga ninakaw ang isang stand fan at isang speaker na isinakay sa isang puting private van.

Nakuha sa mga pinaghihinalaan ang get away vehicle na nakunan ng CCTV Camera na may Plate Number 023209, isang crow bar na hinihinalang ginamit sa pagsira ng mga kandado ng maindoor at ang speaker na kabilang sa mga ninakaw.

Makikita naman sa CCTV Footage ang aktuwal na pagnanakaw ng mga pinaghihinalaan pangunahin na ang pagsira sa main door ng bahay kalakal at ang tuluyang pagpasok gamit lamang ang isang matulis na bagay.