-- Advertisements --

Bumuo na ng Special Investigation Team ang Bohol Provincial Police Office para tutukan ang kaso ng pagpaslang sa dalawang magkapatid na negosyante noong weekend sa Brgy. Tanghaligue bayan ng Talibon, Bohol.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PLT Col. Norman Nuñez, tagapagsalita ng Bohol PPO, sinabi nitong nangyari ang insidente noong Sabado ng gabi, Setyembre 6, kung saan natagpuang wala nang buhay ang magkapatid sa loob ng kanilang compound sa magkahiwalay na lokasyon.

Kinilala ang mga ito na sina sina alyas Witwit at alyas Jeloy.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, ang mga biktima ay binaril patay ng nasa hindi bababa sa 8 hanggang 10 armadong suspek.

Isa ang idineklara na dead on the spot, habang ang isa naman ay dinala sa ospital ngunit kalaunan ay binawian ng buhay.

Ayon kay Nuez na noong Lunes, Setyembre 8, ay nagconvene ng meeting sa pangunguna ni PCol Arnel Banzon, Provincial Director ng Bohol PPO, kasama ang mga miyembro ng Special Investigation Task Force upang tutukan ang kaso.

Nag-augment din umano sila ng karagdagang mga imbestigador upang mag-review ng CCTV footages mula sa mga kalapit na establisyemento, magsagawa ng mga panayam sa mga saksi, at kumuha ng mga pahayag na maaaring makatulong sa pagkakakilanlan ng mga suspek.

Ginagawa po ng ating kapulisan ang lahat ng makakaya para maresolba ang kaso sa lalong madaling panahon at mabigyan ng hustisya ang pamilya ng mga biktima,” pahayag ni Col. Nuez.

Bagamat tumanggi ang pulisya na magbigay ng iba pang detalye upang hindi makompromiso ang isinasagawang imbestigasyon, kinumpirma nito na aktibong tumutulong na rin ang intelligence unit sa pagkolekta ng impormasyon.

Samantala, dumating na rin sa Bohol ang ilang matataas na opisyal ng Police Regional Office 7 (PRO-7) upang magsagawa ng ocular inspection sa lugar ng krimen at suportahan ang lokal na imbestigasyon.

Dagdag pa nito, maraming anggulo ang kanilang tinitingnan sa kasalukuyan—kabilang ang posibleng personal na alitan, koneksyon sa negosyo sa quarry, o maaaring paghihiganti.

Sa ngayon, nananawagan ang mga awtoridad sa publiko na kung may alam sila na impormasyon hinggil sa krimen ay agad itong ireport sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon at nananatili pang prayoridad ng Bohol PNP ang paghuli sa mga responsable sa krimen.