Nagbigay ng katiyakan ang Department of Energy (DOE) nitong Lunes na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga stakeholder sa gitna ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon sa DOE, inaasahang tataas ng hanggang P1.50 kada litro ang presyo ng produktong petrolyo ngayong linggo, kasunod ng anunsyo ng mga kompanya ng langis na magdagdag ng presyo mula P0.70 hanggang P1.40 kada litro —ang ikaapat na sunod na linggo ng pagtaas.
Paliwanag ng ahensya, ang pagtaas ay dulot ng mga kaganapan sa pandaigdigang pamilihan, kabilang ang pagtaas ng benchmark prices tulad ng Dubai crude at Mean of Platts Singapore (MOPS).
Dagdag pa ng DOE, ang limitadong dagdag sa produksiyon ng OPEC+ simula Oktubre ay umaabot sa 137,000 barrels kada araw, mas mababa kumpara sa dating buwanang pagtaas nito sa 400,000 bpd na nagdulot ng kakulangan sa suplay.
Pinalala pa umano ito ng muling paglala ng sigalot sa pagitan ng Russia at Ukraine, kung saan naapektuhan ang halos 17% ng refining capacity ng Russia.
Nagdagdag din ng tensyon ang muling pagbabalik ng sanctions ng US laban sa 13 entity at walong barko na sangkot sa ilegal na pagbebenta ng langis mula Iran, na tinatayang umaabot sa 1 milyong bariles kada araw.
Sa kabila nito, tiniyak ng DOE na patuloy nilang mino-monitor ang sitwasyon sa pandaigdigang merkado at nakikipag-ugnayan sa industriya upang mabawasan ang epekto sa mga mamimili.