Iginiit ng Malacañang na dapat idulog sa Kongreso ang mga reklamo sa Republic Act 10592 na magbibigay-daan sa paglaya ni dating Calauan Mayor Antonio Sanchez.
Ginawa ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ang pahayag sa gitna ng matinding pagbatikos laban sa inaasahang paglaya ng convicted rapist at murderer na si Sanchez sa susunod na dalawang buwan.
Sinabi ni Sec. Panelo, sa Kongreso nalikha ang naturang batas at mga mambabatas din ang makapagsasagawa ng amyenda.
Kung maaalala Mayo 29, 2013 nang lagdaan ni dating Pangulong Noynoy Aquino ang Republic Act 10592 na nagbabawas ng 15 araw kada buwan sa kulungan ng isang inmate na nagpapakita ng “good behavior.”
Sa ngayon ay kabi-kabilang kuwetisyon ang lumalabas kung kuwalipikado ba si Sanchez na mapasama sa dapat mapalaya lalo’t ilang beses itong nahulihan ng iligal na droga sa loob ng kanyang selda sa New Bilibid Prisons (NBP) at hindi pa nagbabayad sa ilang milyong damages na iniutos ng korte nang ito ay hatulan.