Naniniwala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na malaking dagok sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) ang pagkamatay ng kanilang lider na si Abu Bakr al-Baghdadi.

Ayon kay AFP spokesperson Marine B/Gen. Edgard Arevalo, hindi lamang ISIS ang apektado sa pagkamatay ni Baghdadi kundi maging ang iba pang mga terrorist organizations sa iba’t-ibang bansa.

“The reported death of abu Bakr Al-Baghdadi undoubtedly dealt a severe blow on the terrorist organizations around the globe.We expect that his death will impact negatively on the leadership of terrorists in various parts of the world,” ani Arevalo.

Pinuri naman ng AFP ang mga US forces na nanguna sa operasyon na naging dahilan sa neutralization ni Baghdadi, gayundin ang mga indibidwal na nagsakripisyo ng kanilang buhay para labanan ang violent extremism.

Sa kabila nito, sinabi ni Arevalo na nakataas sa high alert ang AFP at nakabantay sa anumang banta ng terorismo.

Pipilitan din aniya nilang tuldukan ang recruitment ng Daesh inspired groups ng mga bagong miyembro na naglalayong samantalahin ang pagkakataon para magpalakas ng puwersa.

Samantala, nanawagan si Arevalo sa publiko na manatiling alerto at mapagmatyag sa kanilang mga lugar at agad ipagbigay alam sa mga otoridad lalo na kapag may kahina hinalang gawain ng isang indibidwal.

“We will continue to defeat the Daesh-inspired groups from recruiting new members and exploiting the situation in the countryside,” dagdag pa ni Arevalo. (Al Jazeera photo)