-- Advertisements --

Nakuhanan na ang nasa 12 kaanak ng mga nawawalang sabungero ng DNA samples.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo, inaantay na lamang ang opisyal na resulta na ilalabas ng Forensic group kung may nag-match na posibleng human remains na narekober mula sa Taal Lake sa samples mula sa kaanak ng mga nawawalang sabungero.

Sakali man aniya na may tumugma, magpapatibay ito sa mga ebidensiya sa kaso na talagang pinatay ang 34 na missing sabungeros.

Matatandaan sinimulan ang retrieval operations sa Taal Lake noong Huwebes ng nakalipas na linggo, na nagresulta sa pagkakarekober ng hindi bababa sa limang sako, kabilang ang isa na naglalaman ng hinihinalang sunog na katawan ng tao.

Natagpuan ng mga diver ang mga ito mula sa lakebed may 10 metro ang layo mula sa baybayin ng Barangay Balakilong sa Laurel, Batangas.

Isinagawa ng PCG ang search and retrieval operations matapos isiwalat ng isa sa mga suspek at whistleblower na si Julie Patidongan alyas Totoy na itinapon ang bangkay ng mga pinaslamg na sabungero sa lawa.