-- Advertisements --

Pinagtibay ng Korte Suprema na ang iresponsableng pag-uugali sa gawaing bahay at pag-aalaga ng bata ay maaaring maging basehan ng psychological incapacity upang mapawalang-bisa ang kasal.

Sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Samuel Gaerlan, kinatigan ng Third Division ng Korte Suprema ang pagpapawalang-bisa ng kasal nina Arnold Alfonso at Michelle Pamintuan-Alfonso dahil sa psychological incapacity ni Michelle sa ilalim ng Artikulo 36 ng Family Code.

Ayon sa salaysay, nagkakilala ang dalawa sa high school at muling nagkita noong 1997.

Mabilis silang nagkaroon ng relasyon na nauwi sa hindi planadong pagbubuntis.

Sa kabila ng pag-aalinlangan, nagpakasal sila at nagkaroon ng tatlong anak.

Subalit, lumala ang kanilang relasyon kung saan naging abusibo si Michelle sa pananalita, naghanap ng simpatiya sa iba, at pinabayaan ang kanyang mga responsibilidad sa bahay at sa mga bata, na umaasa sa kanyang ina.

Nagkaroon din siya ng utang dahil sa maluho niyang pamumuhay.

Dahil dito, lumayo si Michelle at ipinagkait kay Arnold ang kanyang seksuwal na pangangailangan.

Noong 2010, nagpasiya si Michelle na lumipat sa Bicol para magtrabaho, ngunit natuklasan ni Arnold na mayroon siyang affair at pinutol ang komunikasyon sa kanya at sa kanilang mga anak.

Dahil dito, nagsampa si Arnold ng petisyon para sa pagpapawalang-bisa ng kasal batay sa psychological incapacity ni Michelle.

Pinaboran ng Regional Trial Court ang petisyon, ngunit binaliktad ito ng Court of Appeals.

Nang iakyat ni Arnold ang kaso sa Korte Suprema, kinatigan nito ang kanyang petisyon.

Natuklasan ng Korte Suprema na ang kawalan ng kakayahan ni Michelle ay pumipinsala sa kanyang kakayahang gampanan ang mga obligasyon sa pag-aasawa, na nagtatakda ng “vinculum juris”—isang legal at moral na ugnayan na nag-uutos ng pagmamahal, paggalang, katapatan, at suporta.