Nanindigan ang kampo ng sinibak na alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo na siya’y lehitimong Filipino Citizen sa kabila ng kanyang mga kinakaharap na patung-patong na reklamo.
Ito ang binigyang diin ng kanyang panig matapos ang isinagawang preliminary investigation sa Department of Justice kung saan personal na humarap ang dating alkalde.
Ayon sa kanyang legal counsel na si Atty. Nicole Jamilla, sila’y nagtungo rito upang ipresinta ni Alice Guo ang kanyang sarili at ibahagi ang kanyang depensa laban sa mga reklamong kinakaharap.
Dagdag pa ng naturang abogado na kasabay ng kanilang pagpunta dito sa Department of Justice ay kanila ring isinumite ang mga ‘counter-affidavits’ bilang sagot sa mga paratang kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Ang naturang dating alkalde kasi ay kumakaharap sa mga panibagong kaso na isinampa laban sa kanya ng National Bureau of Investigation kamakailan, dalawa (2) at tatlong (3) buwan ang nakalilipas.
Kung saan inihain ang mga reklamong falsification of public documents noong buwan ng Marso kaugnay sa isyu ng mga deed of sales ng real properties ni Alice Guo.
Kinakaharap din nito ang mga reklamong may kinalaman sa tax evasion at graft complaint na paglabag sa Republic Act 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act ng saligang batas.
“We just reiterated our argument na Filipino citizen siya and there is no falsification when she purchased real properties,” ani Atty. Nicole Jamilla, legal counsel ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Kaya naman dahil dito, ibinahagi ng abogado ng sinibak na alkalde ng Bamban, Tarlac na hindi pa ito ang huling pagharap sa Department of Justice.
Ani kasi ni Atty. Nicole Jamilla na mayroon pang naka-skedyul sa darating na Hunyo ng kasalukuyang taon para naman sa pagsusumite pa ng mga karagdagang kasagutan ukol sa mga reklamong kinakaharap.