Inirekomenda ng Department of Justice (DOJ) ang paghahain ng kasong kriminal laban sa 2 Chinese nationals na umano’y sangkot sa mga ilegal na aktibidad sa sinalakay na POGO hub na Lucky South 99 sa Porac, Pampanga.
Nag-ugat ang naturang hakbang ng DOJ mula sa mungkahi ng PAOCC para sampahan ng mga reklamong qualified trafficking at kidnapping sina Jiang Shi Guang, 41 anyos at Qin Ren Gou, 37 anyos, para sa kanilang naging papel sa organisasyong na nag-supervise sa mga Chinese na nagtratrabaho sa Lucky South 99.
Sa 14 na pahinang resolution na may petsang Agosto 30, inirekomenda ng DOJ panel of prosecutors ang paghahain ng qualified trafficking case laban kay Jiang at kidnapping case naman kay Qin.
Ibinasura naman ng prosecutors ang inihaing kidnapping at serious illegal detention at trafficking complaint laban sa 2.
Hindi naman na inilabas ang pangalan ng mga complainant subalit napag-alaman na ang isa sa mga ito ay ibinenta umano at dinala sa Lucky South 99 kung saan pinilit siyang magtrabaho bilang scammer at tinorture nang tinangka niyang mag-resign. Habang ang isa naman ay kinidnap noong Hunyo at dinala sa POGO hub. Tinorture din ito matapos tumanggi ang kaniyang asawa na ibigay ang dinidemand ng mga dumukot na P300,000. Natagpuan siya ng mga awtoridad nang salakayin ang POGO hub noong Hunyo na nakagapos sa isang bed frame at tadtad ng mga pasa sa kaniyang katawan.
Samantala, sinabi ng DOJ na may prima facie evidence with reasonable certainty of conviction para ma-indict ang 2 Chinese nationals.