-- Advertisements --

Posibleng maghain ng motion for reconsideration ang kampo ng negosyanteng si Atong Ang sa nakaambang dalawang kaso ng kidnapping na nakatakdang ihain laban sa kaniya ng Department of Justice (DOJ) may kaugnayan sa kontrobersiyal na kaso ng mga nawawalang sabungero.

Ito ang inihayag ng abogado ni Ang na si Atty. Gabriel Villareal. Aniya, posibleng hilingin nila sa DOJ na baliktarin ang desisyon nito sa pagsama sa kaniyang kliyente sa mga kakasuhan ng kidnapping with homicide at kidnapping with serious illegal detention.

Nauna ng tinuligsa ng abogado ang resolution ng DOJ para sa pagsampa ng kaso kay Ang bilang labis na nakakasira at napaka-unfair sa akusado.

Ayon kay Atty. Villareal, malinaw na dumipende lamang umano ang panel sa depektong testimoniya ng nagi-isang testigo na may bahid ang integridad.

Tinutukoy ng abogado si Julie Patidongan, ang whistleblower sa kaso ng missing sabungeros, kung saan ang kaniyang mga isiniwalat na impormasyon ay humantong sa pagsasampa ng kaso.

Matatandaan, nauna ng pinangalanan ni Patidongan si Ang at iba pang mga indibidwal kabilang ang ilang kapulisan, na sangkot umano sa pagkawala at pagpatay sa mahigit 100 sabungeros na inakusahan ng game-fixing sa online sabong.

Sa huli sinabi ni Atty. Villareal na kumpiyansa silang maibabasura ang lahat ng “malicious” at gawa-gawang alegasyon ni Patidongan sa tamang panahon