-- Advertisements --

Dumepensa ang Malakanyang na sapat ang mensahe ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. para apurahin ng Kongreso ang pagpasa sa mga panukalang batas na tinalakay sa Legislative-Executive Development Advisory Council(LEDAC) meeting.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro na ang Anti-Political Dynasty bill, panukalang Independent People’s Commission Act, Party-list System Reform Act at Citizens Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act ay priority bills ng Kongreso at Ehekutibo kaya nararapat lang na aksyunan ng mga mambabatas.

Tinukoy rin ni Castro ang nakasaad sa Konstitusyon kung kailan kailangang mag-certify as urgent ng bill ang Pangulo at ito anya ay kung may public calamity or emergency.

Tugon ito ng Palasyo sa pagkadismaya ng ilang kongresista sa hindi pag-certify as urgent sa nasabing mga panukalang batas dahil hindi umano awtomatikong bibilis ang proseso kapag priority lang.

Pero sabi ni Castro, hindi porke’t walang sertipikasyon ay hindi na sinsero ang Pangulo sa pagsulong sa apat na legislative measures dahil malinaw ang kagustuhan nitong maisabatas ang mahahalagang panukala.