-- Advertisements --

Inihayag ng Department of Justice na posibleng mapababa ang parusang ipapataw ng korte sa kontratistang si Sarah Discaya sa kasong kinakaharap may kinalaman sa flood control.

Ayon kay Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, ang pag-voluntary surrender ni Discaya sa National Bureau of Investigation ay maaring ikunsidera ng korte hinggil sa parusa nitong ipapataw.

Aniya’y ang boluntaryong pagsuko ay maituturing bilang isang ‘mitigating circumstance’ o basehan na maipababa ang sintensyang posibleng kaharapin ng kontratista.

Dagdag pa ni Prosecutor General Fadullon, ang kusang pagsuko sa hurisdiksyon ng korte ay nagpapakita na kanyang hindi na hihintayin pa ang pag-iisyu at pagsisilbi ng ‘warrant of arrest’.

Magugunitang si Sarah Discaya ay boluntaryong isunuko ang sarili sa kustodiya ng National Bureau of Investigation nitong Martes, ika-9 ng Disyembre.

Ang kanyang ‘voluntary surrender’ sa kawanihan ay bago pa masilbihan ng ‘arrest warrant’ na kasalukuyang hinihintay pang ilabas mula sa korte.

Kaugnay ang ‘warrant of arrest’ nang siya’y tuluyang sampahan na ng kasong ‘graft’ at ‘malversation’ ng Office of the Ombudsman.

Nag-ugat ito sa kanyang pagkakasangkot sa ‘ghost flood control project’ sa Davao Occidental pinondohan ng halos 100-milyon piso ngunit wala man lamang makikitang nagawa buhat nang inspkesyunin.

Ngunit, aminado si Prosecutor General Fadullon na kanilang hindi alam ang rason kung bakit napagdesisyunan ng kampo ni Discaya na boluntaryong sumuko.

Pati sa sinasabi nitong pangamba sa kaligtasan ng kontratista ay di’ rin nila umano tiyak kung saan o ano ang basehan.