-- Advertisements --

Patuloy na mino-monitor ng Philippine Embassy sa Washington DC ang mga pangamba ng Filipino American community kaugnay ng panukalang batas sa Senado ng U.S. na naglalayong wakasan ang dual citizenship.

Sa kanilang nakaraang abiso, binigyang-diin na ang naturang panukala ay isa pa lamang bill at hindi pa batas. Ipinapaalala rin na ilang beses nang may kahalintulad na panukala ngunit wala ni isa ang naisabatas, at kinilala ng U.S. Supreme Court ang bisa ng dual citizenship.

Tiniyak ng Embahada na walang pagbabago sa kasalukuyang polisiya, at nananatiling bukas ang aplikasyon para sa dual citizenship sa ilalim ng Republic Act No. 9225.

Ang mga ipinanganak sa U.S. na may magulang na Pilipino ay awtomatikong dual citizens at dapat irehistro ang kanilang kapanganakan sa Embahada o Konsulado. Mahigpit na paalala na ang boluntaryong pag-renounce ng Philippine citizenship ay hindi na maaaring bawiin sa ilalim ng R.A. 9225.

Hinimok ng Embahada ang lahat ng Filipino Americans na manatiling kalmado, umiwas sa maling impormasyon, at maghintay ng opisyal na abiso para sa anumang mahalagang pagbabago.