Sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Biyernes, Enero 2, na mahigpit nitong binabantayan ang kalagayan ng mga Pilipino sa Iran sa gitna ng lumalalang kaguluhan sa bansa na bunsod ng paghina ng ekonomiya.
Ayon sa DFA, tinatayang may humigit-kumulang 800 Pilipino ang kasalukuyang naninirahan at nagtatrabaho sa Iran, kung saan nagsimula ang mga protesta sa kabisera ng Tehran noong Linggo.
Pinagmulan ng kagulahan ang malawakang pagwewelga ng mga shopkeeper sa Tehran bilang pagtutol sa tumataas na presyo ng mga bilihin at economic stagnation. Kalaunan ay kumalat ang mga kilos-protesta sa iba pang bahagi ng bansa.
Noong Huwebes, nagkaroon ng sagupaan sa pagitan ng mga demonstrador at puwersa ng seguridad sa ilang lungsod sa Iran. Anim na katao ang naiulat na nasawi mula nang sumiklab ang mga demonstrasyon laban sa mataas na gastusin sa pamumuhay.
Tiniyak ng DFA na sa ngayon ay wala pang Pilipinong apektado ng mga protesta.
Gayunman, pinayuhan ng ahensya ang mga Pilipino sa Iran na iwasan ang anumang mga kaguluhan sa lugar, lalo na sa mga matataong lugar.
Pinapayuhan din ang mga Pilipinong mangangailangan ng tulong na makipag-ugnayan sa Philippine Embassy sa Tehran sa pamamagitan ng email na tehran.pe@dfa.gov.ph o sa pamamagitan ng WhatsApp o Viber sa numerong +989122136801.
















