-- Advertisements --

Nalasap ng Los Angeles Clippers ang 3-point loss sa kamay ng Los Angeles Lakers, 125-122.

Muling naging dikdikan ang laban ng dalawang Los Angeles teams, lalo na’t parehong nakapagtala ng mahigit 50% na field goal percentage.

Unang nakaposte ng Lakers ang single-digit lead sa first quarter, ngunit agad din itong nabura ng Clippers. Nagpalitan ng lamang ang dalawang koponan, kung saan umabot sa 16 points ang pinakamataas na lead ng Lakers, habang 5 points naman ang sa Clippers.

Sa fourth quarter, lalong naging kapanapanabik ang habulan nang umabot sa 123-120 ang score, isang minuto bago matapos ang laro.

Gayunpaman, naipasok ni Lakers guard Luka Doncic ang dalawang free throws, 21 segundo bago matapos, para itaas ang score sa 125-120.

Bagaman nakapuntos pa ng dalawang free throws ang Clippers, natapos ang regulation sa 125-122, pabor sa Lakers.

Kumamada si Doncic ng 38 points, 11 assists, at 3 steals para sa panalo ng Lakers, habang nalimitahan si LeBron James sa 13 points at 11 assists.

Muling binuhat ni Kawhi Leonard ang Clippers sa kanyang 31 points, ngunit hindi pa rin ito naging sapat upang makuha ang panalo.