Welcome para kay House Appropriations Committee Chairperson Representative Mika Suansing ang posibilidad na palawakin pa ang representasyon ng minorya sa Bicameral Conference Committee (Bicam), ang komite na nagdedeliberasyon at tumatalakay sa mga detalye ng pambansang budget.
Layon nito na masiguro na ang kanilang mga pananaw ay naririnig at isinasaalang-alang sa proseso ng pagbuo ng pambansang budget.
Ayon kay Suansing, sa kasalukuyan ay sinusuri pa nila nang masusing kung mayroong anumang legal na batayan o requirement pagdating sa komposisyon ng Bicam bago sila gumawa ng pinal na desisyon hinggil sa bagay na ito.
Mahalaga aniya na masiguro na ang anumang pagbabago sa komposisyon ng Bicam ay naaayon sa mga umiiral na batas at regulasyon.
Kasabay ng pahayag na ito, kinilala at binigyang-diin ni Suansing ang mahalagang papel na ginagampanan ng minority bloc sa buong proseso ng pagsusuri at pagbusisi ng 2026 General Appropriations Bill (GAB) o ang panukalang pambansang budget para sa taong 2026.
Binanggit pa ni Suansing na sa Budget Amendments Review Subcommittee (BARC), isang subkomite na responsable sa pagrepaso ng mga amyenda sa budget, ay aktibong nakibahagi si Minority Leader Marcelino Libanan, kasama rin sina Representatives Alan Ty at Stephen James Tan.