-- Advertisements --

Nilinaw ng Malacañang na wala pang katiyakan kung tutuloy pa si Pangulong Rodrigo Duterte sa Chile sa darating na Nobyembre para dumalo sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, maraming ikinokonsidera ang Malacañang kabilang ang magiging payo ng doktor kung maaari na ba siyang bumiyahe pa-ibang bansa.

Kamakailan lamang, napauwi ng mas maaga si Pangulong Duterte mula sa pagdalo sa enthronement ceremony sa Japan dahil sa ininda niyang sakit sa likod at balakang dulot ng aksidente sa motorsiklo.

Kasunod rin nito, panay ang ubo ni Pangulong Duterte sa kanyang nakaraang talumpati sa Malacañang dahil sa virus na nakuha niya habang nasa Japan.

Maliban sa kanyang kalusugan, isasaalang-alang din ng Malacañang ang seguridad ni Pangulong Duterte kaugnay sa nagaganap na malawakang protesta sa Chile nitong mga nakaraang araw.

Nakatakda ang APEC Summit sa ikalawang linggo ng Nobyembre, kasunod ng Association of Southeast Asian Nations Summit sa Thailand na tiyak na pupuntahan na ni Pangulong Duterte.