-- Advertisements --

Muling nagbabala ang pamunuan ng Department of Agriculture sa publiko hinggil sa pagbili ng mga smuggled na sibuyas na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan .

Ginawa ng ahensya ang paalala matapos na magpositibo sa E. coli ang sample ng ilegal na sibuyas na nakumpiska sa operasyon ng ahensya sa Paco Public Market sa Maynila noong nakalipas na linggo.

Una nang ipinag-utos ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang pagkumpiska sa naturang produkto dahil bukod sa smuggled ito ay maaaring nilabag nito ang Food Safety Act of 2013.

Kaugnay nito ay inatasan na rin ng ahensya ang Bureau of Plant Industry maging ang iba pang unit ng kanilang departamento na bantayan ang mga smuggled na sibuyas sa mga merkado sa bansa lalo na sa Metro Manila.

Giit ng kalihim na ang lahat ng mga malalaking sibuyas na makikita sa palengke ay ilegal na ipinasok sa bansa dahil pansamantala na nilang itinigil ang pag-iisyu ng import clearance para sa naturang produkto.

Hiniling na rin ng DA ang tulong ng PNP para mahuli ang mga nasa likod ng pagpapasok ng smuggled na sibuyas sa bansa .

Ang hakbang na ito ng ahensya ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na habulin ang lahat ng mga sangkot sa agri smuggling para maprotektahan ang kita ng mga lokal na magsasaka sa Pilipinas.