Sinuspinde ng Department of Agriculture (DA) ang pagluluwas ng purple yam o ube sa ibang bansa upang matugunan ang nararanasang kakulangan sa mga planting materials.
Isinagawa ang naturang hakbang habang kasalukuyang nagsisikap ang bansa na mapalawak ang lokal na produksyon ng nasabing pananim sa iba’t ibang rehiyon.
Unang ipinatupad ng Bureau of Plant Industry (BPI) ang opisyal na suspensyon noong buwan ng Agosto ngayong taon.
Sakop ng direktiba ang pagpapatigil sa export ng ube at lahat ng uri ng planting materials na ginagamit sa pagpaparami ng pananim.
Kasama rin sa mga ipinagbabawal ang anumang kargamento ng ube kahit ang mga ito ay inilaan lamang para sa direktang pagkonsumo, pagtatanim, o pananaliksik.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco “Kiko” Tiu Laurel Jr., layunin ng paghihigpit na mapanatili sa bansa ang mga kailangang planting materials habang pinapalakas ang kapasidad ng industriya.
Sa pamamagitan nito, inaasahan ng DA na kapag naitaas na ang antas ng lokal na produksyon ay magiging mas malakas at mas malaking export earner ang ube para sa ekonomiya ng bansa.
















